FILIPINO TYPE

Putik. Inabot na naman ako ng alas dose ng hatinggabi sa paghihintay para makagamit ng computer. Si utol kasi may ginagawang assignment, programming daw sa school. Kaya naman nagpalipas muna ako ng ilang minuto sa harapan ng telebisyon hanggang sa matapos s’ya sa pagpo-program-slash-pagdodota. Tamang tama naman dahil meron akong nakitang programa sa IBC 13 na medyo nitong mga huling gabi ay nakakahiligan ko nang panoorin. Ang pamagat, “Tipong Pinoy”. Hosted by Susan Calo-Medina, isang matandang babae na Espanyol na Espanyol ang pananalita (paano kasi, ang dinig kong banggit n’ya sa konsiderasyon, “concideracion” o “konthidherathion”, o kaya kapag produksiyon eh “producion” o “prodhucthion”. O baka meron lang siyang speech defect ek-ek? Ah, ewan). Kasama rin ni Lolang Feeling Espanyol si Wency Cornejo. Kilala n’yo naman siguro ang singer na ito na nagpasikat ng kantang “Hanggang” na naging theme song sa pelikulang “Dekada 70″, apat na taon na ang lumipas. Bakit nga pala apat na taon na lumipas ang sinabi ko? Ito ay dahil ang palabas na ito ay noon pang taong 1998. kaya ewan ko kung ganoon pa kalakas ngayon si Lolang Feeling Espanyol at si Wency Cornejo na “Keempee” pa ang style ng buhok sa programang ‘yun at mukhang bakla kung mag-host. Bukod sa tila magalang n’yang pakikipag-usap kay Lola Feeling Espanyol, akalain mong “tita” pa ang tawag n’ya dito? Ay! Type!

Gabi-gabi ay iba-iba ang episode nila. Merong tungkol sa katutubong sayaw, katutubong awitin, pelikulang Pilipino, at kagabi ay ‘yung mga pagkain ng Pilipino katulad ng kwek-kwek, chicharon, bananaque, turon, mais, mani, balut, sinigang, kare-kare, at mga pagkaing nakuha natin sa mga dayuhan tulad ng mami, siopao, siomai, at iba pa. Nakakagutom ang episode kagabi, sa totoo lang.

Ang episode ngayong gabi ay tungkol sa pelikulang Pilipino. Wala na akong iba pang matandaan dito bukod sa pagpapakita ng iba’t ibang video clips ng mga lumang pelikula at kahit ‘yung bago pa noong mga pelikula tulad ng Home Along Da Riles at Tataynic ni Dolphy ay pinapalabas nila. Meron din akong natandaan sa napakaraming dialogue na dinadaldal ni Lola Feeling Espanyol dito. Drama daw ang tawag sa pelikulang iyakan. Kadalasan ay pinag-uusapan dito ang pag-iibigan ng dalawang nilalang. Ang babae daw ay karaniwang nagmula sa isang mayaman na pamilya at kabaligtaran naman ito ng lalakeng bida, na isang dukha. Pipigilan ang dalawa sa kanilang pagmamahalan pero sa huli ay mananaig pa rin ang pag-ibig nila para sa isa’t isa. Action naman daw ang tawag sa pelikulang puro bakbakan, barilan at sabugan. Hindi rin daw matatapos ang pelikulang ito nang walang kotseng sumasabog at ang tema ay karaniwang umiikot sa paghihganti ng bida na sa huli ay magtatagumpay din naman. Ang comedy o komedya (o “comedi” ayon sa nakalagay sa screen, ewan ko kung ‘yun ba talaga ang dating spelling ng “comedy” o sadyang nagkamali lang sila ng type sa 1998 model nilang keyboard) naman ay isang pelikulang pisikal o makatotohanan. Hindi nag-iiba ang formula ng comedy films noon pa man. Hanggang ngayon ay nasisiyahan pa rin daw tayo sa mga taong nasusubsob sa putikan, nahuhulog sa puno, nauuntog, nahuhubaran ng salawal, nababasa, lalakeng nagdadamit-babae at kung anu-ano pa.

Ang sumunod na episode (na mas nagustuhan ko kaysa una) ay tungkol sa mga katutubong laro ng Pilipinas. Tinalakay dito ang iba’t ibang laruan dito sa ating bansa noong unang panahon. Laruan ang paksa kaya naman ang lugar kung saan nagho-host ang “magtita” ay sa isang Toy Store. Mukhang sa SM ‘yun. ‘Yung mga saleslady at salesman kasi nakakulay blue na bestida at tsaleko. Unang eksena sa Toy Store: Nagpaplastikan sila sa pamamagitan ng tanungan kung ano ang kanilang mga paboritong laruan noong bata. Ang sagot ni Wency Cornejo: Barbie Doll. Biro lang. Hindi daw n’ya matandaan, basta kung ano ang laruan ng kanilang kapitbahay, ganoon din dapat ang laruan n’ya noong bata. Ipinakita sa sumunod na video ang mga katutubong laro ng Pinoy. “The carefree years”, ganyan daw kung ilarawan ang buhay ng mga bata dahil wala na silang ibang ginawa kundi maglaro. Inuubos ang oras sa paglalaro at paglilibang. Nariyan ang sungka na ayon kay Lola Feeling Espanyol (siya lang ang nagsasalita o ang narrator sa video. Bale parang extra lang si Wency na nakiki-”tita”) ay larong tahimik dahil hindi naglilikha ng ingay ang paghulog at pagdampot ng mga kabibe sa sisidlan. Nariyan din ang larong “babuy-babuyan”, isang larong kinakailangan ng matalas na mata at isang hibla ng buhok. Maghahanapan lang dito ng isang malaking insekto na parang higanteng surot o dambuhalang salagubang na madalas daw makita sa ilalim ng malalaking bato. Kumuha lamang ng isang hibla ng buhok at lagyan ng maluwang na buhol sa dulo para pansilo sa insektong ito. Sa puntong ito makikita natin na dehado sa larong ito ang mga kalbo at panalo naman ang mga kamag-anak ni Rapunzel. May isang weird na laro na wala nang mas sisimple pa, ang “siklot”. Paano laruin? Ihagis lang ang maliliit na kabibe sa ere at saluhin ng kamay na ginamit sa pag-itsa. Ganda, ‘di ba? May ganoon palang laro, at laro pala ang tawag doon. Sino kaya ang nakaimbento o nakaisip na gawing laro ‘yun? Sana man lang ginawa nilang piranha o granadang walang pin ‘yung hinahagis para may thrill ng kaunti. Meron ding laro sa bao na para daw sa mga batang gustong tumangkad. Para sa akin, nakilala ko ito sa tawag na “kadang-kadang” na pina-project sa amin noong elementary. Itatali mo lang ang lubid sa bao na may butas at gagamitin ang lubid sa pag-control ng bao na nagsisilbing pang-apak ng mga paang nasa ibabaw nito. Isa naman sa weird na laro na bigla na lang akong napa-bigkas sa isip ko ng “meron palang ganoong laro?!” ay ang… naku, nakalimutan ko na ang pangalan at ‘yung buto ng prutas na kailangan. Basta para itong “tanching”. Kakain muna dapat ng isang prutas na may malaking buto, at ‘yung butong ‘yun ang gagawing pamato sa mga buto na nasa isang bilog na nakaguhit sa lupa. Basta, tanching lang talaga. Patatamain ang mga buto sa kapwa mga buto. Kaloka lang ‘yung sinabi na ipinagbawal daw ito ng Bureau Of Health (Bureau Of Health talaga at hindi DOH) dahil napag-alaman daw na nakakapagbigay ng cholera ang pagsubo ng mga buto na itinapon sa lupa. Aba eh kung isusubo mo ang isang bagay na galing sa lupa, malamang magkasakit ka nga nun! Hindi ko pa sigurado kung ‘yung isusubong buto na galing sa lupa eh naisubo na ng ibang tao. Malamang, kasi buto ng prutas eh. Wala namang buto na nasa labas ng prutas. Pero sabagay, siguro eh hindi pa laganap noon ang sakit na cholera kaya hindi pa masyadong aware ang mga tao dito. Meron ding “king-king”, isang karera sa pagkandirit o pag-talon gamit lamang ang iisang paa. Sa Batibot ko unang nalaman ang pagkandirit.

Meron ding ipinakitang mga laro na ginagamitan ng lakas ng braso, kamay at paa. Pisikal na laro, kumbaga. Halimbawa na ang “singsingan”. Ayon sa narrator, sa larong ito ay kinakailangang malaman ng taya o ng “hari” kung sino ang may hawak ng singsing sa mga ibang bata. Kinakailangang itanggi na nasa kanya ang singsing. Maaaring pagpasa-pasahan ang singsing pero dapat hindi ito mahalata o makita ng hari. Ayon pa dito, paboritong laro ito ng mga dalaga at binata dahil nakakapag-hawakan sila ng kamay. Ewan ko lang kung meron silang nais ipahiwatig na sensuwalidad sa parteng ‘yun o baka meron lang may pangarap na maging manghuhula sa mga batang ‘yun (na naka-baro’t saya pa at naka-kamisa chino sa eksena). Isa pa ay ‘yung tinatawag na “huego de anillo”. May isang lubid na may nakapasok na singsing at hawak ng dalawang bata ang lubid sa magkabilang dulo. Ang mga lalake naman ay mag-aastang nakasakay sa isang kabayo (sa programa ay nakasakay sila sa walis tambo, kunyari daw kabayo ‘yun) at gamit angisang barbeque stick ay susubukang kuhanin ang singsing. Ewan ko lang kung paano makukuha ‘yun dahil walang dadaanan ‘yung singsing kung may dalawang batang nakahawak sa lubid. Meron ding luksong tinik. Mas maraming paa at kamay na patung-patong, mas nakakabilib. Hindi daw masyadong gusto ng mga kababaihan ang larong ito dahil nasisilipan sila. Maria Clara eh. Meron pang sipa na itinuturing na pambansang laro sa Pilipinas, yari sa damo na tinalian ng goma o kaya naman ay plastik na may metal ring sa ilalim. Ang sipa daw ay para sa mga totoy pero puwede rin sa mga nene (at sa mga manay at otibs ayon sa akin). Ang sipang panlalake, palabas. Ang pambabae, papasok. Eto ngayon ko lang nalaman ‘to. Papasok man o palabas, hindi kasi ako bihasa dito.

Sumunod na eksena sa Toy Store: Plastikan pa rin. Hulaan ng bugtong. “Isang prinsesa na nakaupo sa tasa,” tanong ni Lola Feeling Espanyol. “Tita, marami nang may alam n’yan, ano pa eh ‘di kasuy.” sagot naman ni Wency. Si Wency naman ang nagtanong. “Sinasakal ko na, nagbibigay pa.” Bote. Ilan lang daw ang bugtong sa mga halimbawa ng larong Pinoy na hindi ginagamitan ng lakas ng katawan, bagkus, ang talas ng isip ang pangunahing sandata dito. Sa video, pinakita ang paglalaro ng bugtong ng mga batang laking 1998. ang mga babae ay naka-plain t-shirt at pajamas na kulay dilaw. Ang mga lalake ay naka-t-shirt at shorts, ang iba ay naka-pulang pajamas. Pero hindi importante ang mga suot nila sa eksena. May isang batang magpapahula ng bugtong. “Maliit pa si Nene, marunong nang manahi.” Sabay-sabay na sasagot ang lahat ng bata, pasigaw. Tila nag-uunahan sa pagbigkas. “Gagamba!”. ‘Yung babae namang naka-pajamang dilaw ang nagtanong. “Isda ko sa mariveles, nasa loob ang kaliskis.” “Sili! Sileee!” sigaw ng mga bata kumpul-kumpol na nakaupo sa ilalim ng puno, malamang ay nagkaka-amuyan na sila ng kani-kanilang sariling anghit-araw. Pero ang larong susubok daw sa talas ng pananalita ng mga bata ay ‘yung sabayang pagbigkas ng “pilipitan” o mas kilala sa tawag na “tongue twisters”. Tanong pa ni Lola Feeling Espanyol, “sige nga, subukan n’yong bigkasin nang sunud-dunod at mabilis ang mga salitang bituka, butiki, at botika”? Nauto naman ‘yung bata at nagsalita nga ng ganoon.

Sa huling eksena naman, tinalakay ang paglapat ng mga awit o melodiya sa larong katutubo. Isa na sa halimbawang pinakita ay ‘yung “London Bridge” na laro. habang kumakanta sila ng London Bridge, magkahawak-kamay ang dalawang babae sa pabilog na hugis at dumadaan sa ilalim ng bilog na ‘yun ang ibang mga bata. Kapag nasa parte na ng “my fair lady” ang kanta, kung sino man ang mahuli na nasa loob ng bilog ay siya ang iaaalay sa mga kampon ni Death Metal ng Funny Komiks. Biro lang. Meron ding “Sawsaw-Suka”. Malamang alam n’yo ‘to. Ito ‘yung isasawsaw n’yo ng mga kalaro mo ang hintuturo mo sa palad ng taya, aawit ang lahat ng “sawsaw-suka, mahuli taya!”, at kung sino ang mahuli ng taya ay siya na ang papalitan para maging pinuno ng mga dinosaurs. Biro lang ulit. Meron pa, “Penpen de Sarapen”. Hindi ko alam na laro rin pala ito, o nakalimutan ko lang na laro pala ito noon. Parang inee-minee-mynee-moo ang laro nito. Daliri ng mga bata ang sangkot. Ubusan ng daliri hanggang sa madetermina kung sino ang taya at papalitan ang daliri ng daliri ni Edward Scissorhands. Biro lang na naman. But wait, there’s more! Kumanta rin ang mga batang ito ng “Pongpong Kasile”. Para sa mga hindi nakakaalam, ganito ang linya sa kantang ‘yan: “Pongpong, kasile, nanganak si nanay. Ano’ng anak? Buto’t balat. Bali-bali ang papag. Wala lang, kumanta lang sila. Hindi rin daw nakaligtas ang Martial Law sa mga bata dahil pati ito ay ginawaan nila ng katuwa-tuwang kanta. Palakpakan ang mga bata. May ritmiko. “Clap-clap-clap, may bagong silang, butas butas. Clap-clap-clap, sigaw. Warat-warat.” Basta.

May pahabol pa palang eksena. In-interview nila sa video ang isang matandang toy maker at iskultor. Ang karamihan sa mga ginagawa n’yang laruan ay yari sa kahoy, tulad ng wooden slide, wooden swing, wooden see-saw, wooden heart, at kung anu-ano pa. Ang mga ginagawa n’ya daw na laruan ay ibinabase n’ya sa hugis at katawan ng mga bata. Umaayon din ang mga ito base sa kapaligiran. halimbawa, noong araw daw, naglalaro sila sa bundok, nakasakay sila sa isang malaking karton na nakalagay sa kanilang puwitan at magpapadausdos sila pababa ng bundok. Dahil ang bundok ay mabato, ang ginawa n’yang wooden slide ay merong kurba ng kaunti na may hawig sa mga bato ng bundok. Realistic ang dating. Sabi pa ni Lolo Toy Maker, ang mga laruan noong unang panahon ay napaka-praktikal. Halimbawa, hindi na kailangang ipaliwanag pa sa mga bata kung ano ang gagawin o kung paano nilalaro ang isang laruan (tunnel na gawa sa kahoy ang nasa halimbawa sa video) dahil hahayaan lamang natin itong madiskubre mismo ng mga bata. ‘Di tulad ng mga laruan ngayon, computerized. Pinagkakabit-kabit. De-kalas. Kailangan pang alamin kung paano nilalaro.

Natapos ang programa sa pamamagitan ng pang-huling litanya ng dalawang mag-tita. Ang laruan daw ay sumisimbulo ‘di lamang ng kalogayahan ng mga bata, kundi pati na rin ng pagkamalikhain nating mga Pilipino at ang modernisasyon ng mga laruan sa ating bansa (teka, parang ako lang ata ang nagsabi nito).

Maganda ang napanood ko. Masarap manood ng ganitong mga programa. Nakikita natin ang kultura nating mga Pilipino, idagdag pa d’yan ang lumang istilo ng mga programa noong 1998. Kuwela pa ang pagkakasabi nina Lola Feeling Espanyol at Wency Cornejo ng kanilang tagline. Hindi pa sila magkasabay sa pagbigkas ng “Tipong… Pinoy!”

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s